DYM Report Form

Ano: Mt. Samat Pilgrimage 2010

Saan: Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat, Diwa, Pilar, Bataan

Kailan: Disyembre 11, 2010

 

Mt. Samat Pilgrimage 2010

Ang Mt. Samat Pilgrimage ay isang taunang gawain ng Diyosesis na pangunahing nilalahukan ng mga kabataan. Ito ay nagsisilbing panimulang gawain bilang pagsalubong sa adbiyento sa Diyosesis. Layunin ng taunang programang ito ang pagsariwa ng adhikain ng Diyosesis-- ang Kabayanihan at Kabanalan. Ito rin ay isang malaking araw para sa kabataan ng Diyosesis upang magsama-sama sa pananalangin habang inaakyat ang Bundok Samat.

Ang katatapos na Mt. Samat Pilgrimage 2010 ay naiiba sa mga nagdaang taunang pilgrimage dahil ito ay naganap hindi sa pasimula ng adbiyento, dahil sa ilang mahalagang kadahilanan. Ngunit ang pagkalipat ay nagkaroon din ng higit na kabuluhan dahil ito ay naging isa namang panimulang gawain upang salubungin ang “CBCP Taon ng Kabataan”.

Ang tema ng pilgrimage ay: “KaBataan: Kapit-bisig sa Daan ng Kabayanihan at Kabanalan!” na mas lalong naging akma, dahil ang Bundok Samat ay isang sagisag ng kabayanihan at kabanalan para sa mga taga-Bataan.

Ang malaking naging ganap ng Diocesan Youth Ministry sa programa ay ang magsilbing mga animators at mood-setters. Ilang linggo din na nagsanay ng pagsayaw sa iba’t-ibang animation songs ang ilang piling kabataan mula sa iba’t-ibang parokya, bago ang pilgrimage, bilang paghahanda sa kanilang magiging bahagi sa gawain.

Noong araw na iyon, matapos makumpleto sa itaas ng Bundok ang mga piling kabataang sa ganap na ika-9:00 ng umaga, wala ng inaksayang panahon pa ang mga kabataan upang muling mag-ensayo. Malaking bahagi ng kanilang huling ensayo ay pinangunahan ng butihing Diocesan Youth Director na si Padre Joshua Maria Santos. Natapos ang ensayo, sa ganap na ika-12:30 ng tanghali at kung saan sila ay sama-samang kumain ng kanilang tanghalian at sinundan ng isang maiksing pahinga at paghahanda na sa pagsisimula ng programa.

Sa ganap na ika-2:00 ng hapon ay nagsimula na ang mga piling kabataang ito na salubungin sa pamamagitan ng pagsayaw ang mga nauna ng nakarating sa lugar na pagmimisahan sa itaas ng bundok. Ang mga Marian Missionaries of the Holy Cross Brothers ang nagsilbing hosts sa programa.

Sa pagitan ng animations nagkaroon ng isang makabuluhang presentasyong ng mga kabataang mula sa Cabcaben National High School. Ang dula na kanilang ipinakita ay tungkol sa buhay at kabanalan ng Pilipinong santo, si San Lorenzo Ruiz.

Matapos ang presentasyon, muling sumayaw ang mga kabataang mood-setters upang lalo pang bigyang buhay ang gawain. Ito naman ay sinundan ng pananalangin ng Santo Rosaryo bilang paghahanda sa pagdiriwang ng banal na Misa.

Ang banal na Misa ay pinangunahan ng Obispo ng Balanga, Bishop Ruperto C. Santos, na siya ring nagbigay ng isang homilya na punong-puno ng inspirasyon.

Bago matapos ang banal na pagdiriwang, pormal din niyang binuksan ang ‘Taon ng Kabataan’ sa Diyosesis bilang pakikiisa sa ipinagdiriwang ng CBCP.

Natapos ang banal na pagdiriwang sa Ganap na ika-7:00 ng gabi sa pamamagitan ng isang magandang fireworks display sa kinalulugaran ng malaking krus ng Dambana ng Kagitingan na pinanuod naman ng buong kasiyahan ng mga nagsidalo sa gawain.

 

 

Magagandang Puntos

1. Marami ang nakiisa sa gawain sa kabila ng pangamba na kaunti lang ang dumalo.

2. Naging maayos ang daloy ng programa at napanatili ang kataimtiman ng banal na misa.

 

Mga Bagay na maaari pang Mapagbuti

1. Magkaroon sana ng mga portable toilets upang maging mas kumportable sa pag-ihi ang mga tao at maiwasan ang mahabang pila sa mga toilets.

2. Magkaroon ng presentasyon ang bawat bikarya upang mas maraming mga kabataan ng parokya ang makabahagi sa gawain.

Home

DYM Main

Balanga Rocks!
logoB