@ 2007 Diocese of

BishopStude

Home

DIYOSESIS NG BALANGA

Balanga City

 

 

LIHAM PASTORAL TUNGKOL SA KRISMA:

Ang pangunahing programang pastoral ng Diyosesis ng Balanga

 

Lahat tayo ay mayroon mga magagandang pangarap na nais natin matupad. Lahat tayo ay mayroon panalangin na nais natin makamit. Ang mga mgulang ay nagsisikap ng mabuti upang ihanda ang kanilang mga mahal sa buhay tungo sa isang matiwasay na kinabukasan. Ang mga manggagawa ay nagbubuhos ng kanilang mga panahon at kakayahan tungo sa pag-unlad ng kanilang mga pinagtratrabahuhan. Ang mga nanunungkulan ay gumagawa sa abot ng kanilang mga makakaya para sa mabuting kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

Nasa isipan ng mga mag-asawa ang isang tahimik at buong pamilya. Minimithi ng mga mag-aaral ang pagtatapos at marangal na mapapasukan. Ang mga lumisan at mangibang-bansa ay umaasa sa isang ligtas na paglalakbay at pagbabalik sa piling ng kanilang mga minamahal.

Ano ang nais mong tahakin? Ano ang nais mong marating? Hindi ba’t gagawin natin ang lahat upang ating mga pangarap at panalangin ay ating makamit? Hindi ba’t handa tayong magpagod at mag-alay ng sarili upang ang lahat ng mga ito ay ating maisakatuparan?

Marahil inyo rin maitatanong ano naman kaya ang hangarin ng ating Diyosesis para sa kanyang kawan? Ano ang ating ihahasik? (Markos 4,3). Saan natin ihahagis ang ating mga lambat? (Juan 21,6).

Nais kong sagutin ito mula sa kaugalian ng ating unang nagsisimulang Inang Simbahan (early Christian community) na ating matutunghayan mula sa mga Gawa ng mga Alagad. Nasasaad dito na “ nanatili silang matapat sa aral ng mga apostol, sa pagsasamahan, sa paghahati ng tinapay, at sa pananalangin” (2,42).

Ang lahat ng mga ito: katapatan sa mga naiwang aral ng mga apostol, pagsasamahan, paghahati ng tinapay, at pananalangin ay isinasabuhay na ng ating Simbahang Pilipinas. Pinagpapatuloy. Ginaganap. At ang tinatawag natin dito ay ang Basic Ecclesial Communities. Sa ating lalawigan ng Bataan ito ay higit na kilala bilang Kristiyanong Magkakapitbahay. KrisMa.

Kinikilala natin na ang KrisMa ay ang ating bagong pamamaraan ng Simbahan. Ito ay isang mahigpit at hayagang paanyaya ng Inang Simbahan sa pakikiisa, pagtutulungan at pamumuno ng mga magkakapitbahay tungo sa pagsasabuhay sa mga aral ng Inang Simbahan, sa sama-samang pagsamba, pagdiriwang ng mga Sakramento at nagkakaisang pananalangin.

Sa kabila ng iba’t ibang hakbang tulad ng street at dorm masses, prayer meetings at social and civil advocacies, at dahil na rin sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng lipatan ng mga pari, kakulangan ng kaalaman at said na nagkakaisang pagtutulungan ang ating KrisMa ay hindi lumalim, lumawak o lumago. At tulad ng binhi sa iba’t ibang uri ng lupa (Mateo 13,1-9) mayroon mga parokya sa atin ay nagtatag, o nagbabalak pa lamang. Mayroon din hindi nagtagal. Mayroon na nagsisimula pa lamang o kaya wala pa talaga. Mayroon kakaunti o mabagal dumami.

Subalit kahit ano ang nangyari sa mga nagdaan taon masasabi natin na walang nasayang. Walang naaksaya. At tayo hindi susuko. Hindi tayo bibitaw. Patuloy tayong kikilos at tutugon sa atas ni Jesus na nagsasabi sa atin, “kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa” (Mateo 28,19).

Sa atin pagtatanim at pagbubuo ng KrisMa noon marami tayong natutunan. Mayroon mga aral na naiwan. Mayroon din tayong dapat pansinin, bigyan ng kapupunan at humihingi sa ating pagkilos. At lahat ng mga ito ay siya ngayong magiging pamantayan ng muli nating paghahasik at pagpapalaot ng KrisMa. Ano-ano ang mga bagay na ito?

Dapat pansinin:

1. Iba’t iba at hindi nagkakaisang modulo ang ating ginagamit sa pagbubuo ng KrisMa.

2. Hindi pa malinaw ang paraan ng pagbubuo at pagbabalangkas ng KrisMa sa mga parokya.

3. Dapat mayroon tama at sapat na kaalaman kung ano talaga ang KrisMa.

4. Nararapat mayrooon malinaw at malalim na pananaw, pagtanggap at pagpapanatili ng KrisMa bilang pangunahing programang pastoral ng Diyosesis.

Dapat bigyan ng kapupunan:

Dahil sa mga nabanggit na dapat punahin nararapat magkaroon nagkakaisang pag-unawa (understanding and acceptance), pagbubuo (organization and strategy) at pananatili (continuity and commitment). Nararapat na patatagin at palawakin ang balakin ng Diyosesis ng tumatalakay sa Solidarity and Stewardships.

Panimulang pagkilos:

1. Mula rito akin tinatawagan pansin at pagtanggap na ang ika-19 ng Hunyo, dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo bilang Linggo ng KrisMa sa ating Diyosesis. Maglalabas tayo programa ng Krisma sa Diyosesis, leaflets tungkol sa KrisMa para sa mga parokya at Advent and Lenten Homilies nagpapaliwanag tungkol sa KrisMa.

2. Upang higit na mapangasiwaan ang pagpapalaganap ng KrisMa bilang pangunahing programang pastoral ng Diyosesis ay aking itinatalaga si Monsignor Antonio Dumaual bilang episcopal vicar for Krisma implementation sa buong Diyosesis. Nararapat lamang na magkaroon ng General KrisMa Orientation sa bawat parokya na lalahukan ng mga bumubuo ng Sangguniang Pastoral, Baranggay Pastoral Council, mga namumuno sa lahat ng mga samahang relihiyoso, mga iba’t ibang ministries ng parokya at ng lahat ng mga KrisMa existing leaders ng parokya.

3. Akin rin inimumungkahi ang pagbubuo ng KrisMa Organizing Team sa bawat parokya.

Ang KrisMa ay ang landasin ng ating Diyosesis. Ito ang ating pangarap na mapalaganap sa buong Bataan. Hindi panandalian lamang. Bagkus panghabang panahon. Hindi sa iilang parokya. Bagkus para sa lahat at ng lahat ng parokya.

Dahil dito ialay natin ang lahat ng ating kaalaman, mag-ukol ng labis na panahon, at maglaan ng lahat ating kakayahan. Tinatanggap natin na ang ating Krisma ay hindi madali at hindi magaan. Subalit kung tayo ay samasama, nagkakaisa at nagtutulungan tayong lahat ay magtatagumpay. Ang ating minimithing KrisMa ay matutupad. At ito ay magbubunga “ng sandaan, animnapu o tatlumpu” (Markos 4,20).

Ang pagbubuo natin ng KrisMa ay nahahalintulad sa paglalakad ng dalawang alagad patungong Emmaus (Lukas 24,13-33). Kung dumating man ang mga sagabal o hadlang o kaya hindi tayo makausod o matagal dumating ang bunga, tayo ay dapat hindi manghina. Hindi tayo dapat mabagabak. Patuloy pa rin tayong magtiyaga. Magtiwala tayo. Tayo rin ay sasamahan ni Jesus (24,15). At ang pagpapalaganap natin ng KrisMa ay nagpapatunay sa atin sa nawika ni Jesus bago Siya umakyat sa langit, “kayo ay magiging mga saksi ko sa mga ito” (Lukas 24,48; Gawa 1,8).

 

 

+Ruperto C. Santos

Obispo ng Balanga

 

15 ng Hunyo 2011

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)