@ 2007 Diocese of

BishopStude

Home

KATESISMO TUNGKOL SA KAHALAGAHAN NG KRUS SA BUHAY NG BAWAT KRISTIYANO

 

ANG KRUS NI KRISTO JESUS

 

Namuhay Si Jesus sa ilalim ng anino ng krus. Sa pamamagitan ng krus, pinangunahan tayo ni Jesus sa isang buhay na lipos ng biyaya. Ibinalik niya sa atin ang buhay na walang hanggan. Ang Katesismo ng Katolikong Simbahan ang nagsasaad, “sa pamamagitan ng kanyang krus ay ipinagwagi ni Kristo para sa atin ang ating kaligtasan” (1741). Sa pamamagitan ng krus mauunawaan natin kung gaano tayo kamahal ni Jesus. Isinulat ni Meister Eckhart “doon sa krus nag-alab ang kanyang puso na parang apoy at isang pugon na kung saan ang alab nito ay naglalagablab sa bawat sulok. Ganoon din sa krus pinagpag-alab ni Jesus ang kanyang pag-ibig sa buong mundo.” Ang krus ang siyang sukatan kung hanggang saan kayang ibigay ni Jesus ang kanyang sarili upang tayo ay tubusin. Nilalagom nito ang lahat ng kanyang turo – si Jesus ay naparito upang hanguin ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. Tunay ngang dumating si Jesus at “nagpakumbaba at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus” (Filipos 2, 8).

Ang krus ni Jesus ay ang ating pag-asa. Una nang larawan at daan ng pagpaparusa at kamatayan, ang krus ngayon ay katibayan ng kapangyarihan ng Diyos laban sa kapangyarihan ng kamatayan at ni Satanas. Ang krus ay naging ating kaligtasan. Ito ang siyang ating naging katubusan at pinagbubuhatan ng lakas. Samakatuwid, ang krus ay ang ating pag-asa sa gitna ng mga paghihirap, at kalasag laban sa tukso. Isinulat ni Apostol San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Galacia ang ganito, “Ang ipinagmamalaki ko ay ang kamatayan ng ating Panginoong Jesukristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito’y patay na para sa akin, at ako nama’y patay na rin sa mundo” (6, 14).

Ang landas patungo kay Jesus ay landas ng krus. Ang pagsunod kay Jesus ay ang pagpasan at pagyakap sa kanyang krus. Ang paanyaya ni Jesus ay ito “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Lukas 9, 23). Ang makilalang kasama ni Jesus ay ang mapakong kasama niya sa krus. Ang krus ang siyang pagkakakilanlan natin bilang tagasunod ni Jesus. Bilang tagasunod ni Jesus ang krus ay mahalagang bahagi ng ating pagiging alagad na dapat nating yakapin at dalhin sa bawat araw ng ating buhay. Sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na krus ay nakikibahagi tayo sa pasyon ni Jesus. Inaanyayahan tayo nito na tingnan si Jesus at lubos na magtiwala sa kanya. Tinuturuan tayo ng krus at sa pagpapasan nito na umasa sa Diyos – tumingala sa kanya, hingin ang kanyang pagsubaybay at ang kanyang biyaya.

Ano kaya ang maaari nating maging mga pang-araw-araw na krus? Ito’y maaaring mga di-magandang pagpuna sa kabila ng ating paggawa ng mabuti. Ito’y maaaring pagtanggap ng mga nakapagpapahinang bunga ng ating pagpupunyagi sa trabaho sa kabila ng ating pagsusumikap na ibigay ang lahat ng ating makakaya. Pagwawalang-bahala mula sa mga taong ating pinaglilingkuran at tinutulungan. Kakulangan ng tulong mula sa mga mahal natin sa buhay o mula sa mga nakatataas sa atin. Ang mga ito ay maaaring mga krus natin. Kawalang-utang na loob mula sa iba o malubhang karamdaman ay maituturing nating mga krus na dapat pasanin araw-araw. Maaari din nating ituring na mga krus ang kawalan ng pagtulong mula sa ating mga lider, mapang-aliping pakikitungo ng mga nasa pwesto. Sa isang malalimang pagninilay kung paano niyakap at pinasan ni Jesus ang kanyang krus ating matatanto na lubhang magaan pa ang ating mga krus kumpara sa krus na pinasan ng ating Panginoon. Sa pagninilay kung paano tinanggap ni Jesus ang kalooban ng kanyang Ama at hinayaan ang kanyang sarili na mapako sa krus ay dapat na magbunsod sa atin upang magsumikap, magtiyaga, at makibahagi sa nakapagliligtas na gawa ng ating Panginoon. Ang mga krus natin ay dapat na magmulat sa atin na tayo ay nakikihati sa paghihirap ni Kristo. Tayo ay kanyang kaisa. Ang krus ang siyang nag-uugnay sa atin kay Kristo at nagbibigkis sa atin bilang isang bayan kay Jesus. Ito ay nagtuturo sa atin na huwag maghinanakit, mawalan ng pag-asa o panghinaan ng loob. Sa pagtanggap at pagpapasan natin ng ating krus, maging anuman ang mga ito, ay dapat nating maunawaan ang tatlong katotohanang ito:

UNA. Ang krus ay hindi pabigat bagkus ay isang pagpapala. Ang krus ay nagsasabi sa atin na hindi tayo nag-iisa sa ating paghihirap at sa ating mga suliranin. Nariyan si Jesus na naranasan kung ano ang ating pinagdaraanan. Nariyan si Jesus na nakikihati sa ating pagtitiis, nagpapalakas sa atin. Ang krus ay tumutulong sa atin upang kayanin ang ating pagtitiis, sakit, at paghihirap nang buong pagmamahal at pag-asa. Samakatuwid, ang krus ay nagpapabanal sa atin. Isang sagot at pagpapala para sa atin. Binibigkis tayo nito sa Diyos. Kaya’t sa halip na maging mapaghinanakit, masiraan ng loob, o mawalan ng pag-asa ay makita nating hinuhubog tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga krus na dumarating at dinadala natin sa araw-araw. Isang tulong upang tayo ay maging kanyang alagad at tagasunod na ayon sa kanyang kalooban. Sa ganitong pananaw, ang krus ay hindi isang pabigat bagkus ay isang pagpapala.

IKALAWA. Ang krus ay hindi kahihiyan bagkus ito ay kaligtasan. Bagamat ang krus ay nauna nang paraan ng kalupitan at pagpapahirap, ang ating mga pang-araw-araw na krus ay hindi larawan ng ating kahinaan, pagkatalo o kawalan. Ang mga ito ay nagsisilbing angkla natin sa Diyos na naglalapit sa atin sa kanya. Bagamat ang krus ay sumasagisag ng sakit at pagdurusa, ang ating mga krus sa buhay ay nagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos. Nagbibigay ito sa atin ng ibayong lakas upang kumapit sa Diyos at palagiang tumawag sa kanya. Ang pagyakap sa krus ay pagyakap din sa Diyos na makatutulong at makapaghihilom sa atin. Ang ating mga pang-araw-araw na krus ay nag-uugnay sa ating mga adhika, salita at gawa sa mga gawa at adhika ng Diyos. Sa pamamagitan ng ating krus, itinatagubilin natin ang lahat sa Diyos. At ang Diyos ang siyang magtataguyod sa atin. Kaya’t kahit kung minsan ay pinanghihinaan tayo ng laoob sa ating mga gawain, nananamlay sa ating buhay panalangin, o nakalulunos na kalagayan, ang krus ni Jesus ang siyang maaari nating kapitan. Sapagkat ang krus ang siyang maghahatid sa atin kay Jesus, naranasan niya ang bawat nating pinagdadaanan. Nagpakasakit siya para sa ating kapakanan. At sa kanyang kusang pagpapakasakit, ipinagkaloob niya sa atin ang kaligtasan. Samakatuwid, ang krus ay hindi kahihiyan bagkus ito ay kaligtasan.

IKATLO. Ang krus ay hindi hapis bagkus ay lakas. Ang krus ay nagbibigay sa atin ng hapis. Subalit ang ating mga pang-araw-araw na krus ang siyang nagbibigay sa atin ng lakas upang itaas ang ating puso sa Diyos. Ang krus ay nagbibigay sa atin ng sakit. Subalit ang mga ito ay makatutulong sa atin upang lumago sa kabanalan sa pamamagitan ng pagiging higit na mapagtiwala sa Diyos. Sa pagtulad natin sa pagtanggap at pagyakap ni Jesus sa kanyang krus at sa pagsunod natin sa kanyang halimbawa, tayo ay higit na magiging maawain, mahabagin, at mapang-unawa sa ating kapwang higit na nangangailangan at nasasadlak sa dusa. Samakatuwid, ang krus ay hindi na lamang nagdudulot ng hapis bagkus ay nagbibigay ng lakas. Ito ang ating lakas upang magpatawad, magmahal, at magligtas ng ating kapwa tulad ng ginawa at ipinakita sa atin ni Jesus habang siya ay nakabayubay sa krus. Ang ating mga pang-araw-araw na krus ay makatutulong sa atin upang gapiin ang ating mataas na tingin sa sarili, mga pagkakamali upang magapi ang ating mga kasalanan, pagkamakasarili at kahinaan. Sa huli, ang krus ay hindi isang hapis kundi isang lakas. Lakas na namalas sa kalangitan sa anyo ng Chi-Rho na nagsasaad, “in hoc signo vinces” (“sa pamamagitan ng tandang ito, ikaw ay magtatagumpay”).

 

 

+Ruperto Cruz Santos

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)