Home

 @ 2007 Diocese of

Liham ng Paanyaya para sa Catholic Schoolchildren Christmas Caroling para sa Bataan

 

“Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata” (Markos, 10,14)

 

Mga minamahal kong bayan ng Diyos:

 

Ano ang inyong gagawin sa nalalapit na Pasko? Marahil ay inyo na rin pong iniisip kung ano ang inyong tatanggapin. O kaya naman po ay inyon ng inaayos ang inyong ibibigay.

 

Mayroon pong naghahanda para sa atin. Tayo ang kanilang pagkakalooban. Tayo ay kanilang hahandugan ng kanilang kakayahan, kagalingan at mumunting naipon mula sa kanilang “isang snack ko mula sa isang Linggo ay sakrispisyo ko para sa iyo.”

 

Ang atin pong bagong tatag na Bataan Association of Catholic Schools ay magdaraos ng isang libreng Pamaskong Handog para sa lahat sa darating Biyernes, ika-pito ng Disyembre 2012 at gaganapin sa Bataan People’s Center, Kapitolyo, Balanga sa ganap na ikatatlo ng hapon hanggang sa ika-anim ng gabi.

Ang Pasko ay kagalakan at pagbibigayan. Ang atin mga batang mag-aaral ay nagnanais na ibahagi sa atin ang kagalakan ng Pasko na si Hesus ay isinilang para sa atin. Si Hesus ay ibinigay sa atin ng Diyos upang maging atin Tagapagligtas. Ang kagalakan at pagbibigayan na ito ay isasalarawan ng atin mga mag-aaral sa kanilang gagawin pag-awit, pagsasadula at pag-aalay ng mga regalo sa mga kapwa nilang mag-aaral na mula sa mga piniling pampublikong paaralan.

 

Ang bumubuo po ng Bataan Association of Catholic Schools ay mga mag-aaral sa Primary and Secondary Levels. Ito po ang mga sumusunod:

 

mula sa atin Diocesan Schools

1. Saint John Academy, Dinalupihan

2. Saint Peter de Verona Academy, Hermosa

3. Holy Rosary Parochial Institute, Orani

4. Saint Catherine of Siena Academy, Samal

5. Saint Michael the Archangel Academy, Orion

6. Saint Nicholas Catholic School of Mariveles

7. Blessed Regina Protmann Catholic School, Mariveles

8. Saint James Catholic School of Morong

at mula sa mga Religious Schools

1. Siena College of Hermosa

2. Saint Joseph College of Balanga

3. Jaime Hilario Integrated School in Bagac

4. Saint Francis Catholic School in Orion

5. Saint Dominic de Guzman Catholic School in Limay

6. Blessed Margarita de Brincat Catholic School in Dinalupihan

7. Saint Jerome Emiliani Cathoic School in Dinalupihan

8. Marianitas de Jesus Catholic School in Mariveles

 

Kami po ay buong puso na nag-aanyaya sa inyong lahat na dumalo upang higit natin pagnilayan ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng mga magagandang pagtatanghal ng ating mga mag-aaral. Ang ating pakikiisa ay tanda ng ating pagkilala sa kanilang kagalingan at kakayahan. Ang ating pagpunta ay ating pagpapahalaga at pasasalamat sa magagandang gagawin at ipalalabas.

 

Ang mga bata ay atin kagalakan at kayamanan. Tayo ang kanilang gabay at huwaran. Ang atin Pasko ay higit na mahalaga sa ating pagsasama-sama. Ang atin ngayong Pasko ay higit na makulay at mabunga sa ating pakikipagkaisa. Magkitakita po tayo sa ika-pito ng Disyembre upang ang Panginoong Diyos ay higit na dakilain at parangalan sa masasaya at magagandang awitin ng ating mga mag-aaral ng Bataan Association of Catholic Schools.

 

Dalhin po natin, samahan din sila at “pabayaan lumapit” kay Hesus “ang mga bata” (Markos 10,14).

 

Maraming pong salamat sa inyong lahat at tanggapin po ninyo ang pagpapala ng atin makapangyarihang Diyos: Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.

 

 

 

+Ruperto Cruz Santos, DD

Obispo ng Balanga

item3
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)