Home

CBCP-ECMI about 81M US$

 

Hindi ko malilimutan ang isang aral mula sa aking lumisan na ama, isang magsasaka. Sa pagtatali o sa pagsusuga ng aming mga kalabaw ang kanyang kabilin-bilinan ay “anak, tiyakin mong mabuti ang ginawa mo ay tama at wasto. Kapag maluwag at ikaw ay nagpabaya, ang kalabaw ay makakawala. Ang palayan ay kanyang kakainin at pati na rin bukirin ay kanyang sisirain. Maraming madadamay. Marami ang mahihirapan. At tayo rin magdurusa at mawawalan.”

 

Mga minamahal naming OFW. Kami na po sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People ay humihiling ng inyong paumanhin at paunawa tungkol sa 81M US dollars. Dahil dito kayo ang napahihirapan. Kayo ay nadadamay. Kayo ang masakit na naaapektuhan.

 

Ang Simbahan po ay nababahala sa mga nangyayaring paghihigpit sa inyong pagpapadala ng pera para sa inyong mga mahal sa buhay. Mayroon ng limit ang ipadadala, at mayroon na rin bilang kung ilan beses lang maaring magpadala. Ang ating mga local na bangko at remittance offices na walang ugnayan o hindi kapartner ng mga bangkong pag-aari ng mga bansa doon ay mapipilitan magsara. Ang mga remittances fees ng mga foreign banks ay tiyak na tataas. Ang maraming mga papeles ang hihingin mula sa inyo sa mga pagkakataon na kayo ay magpapadala. Nariyan ang malaking abala sa inyo. Nariyan na baka kayo pag-alinlanganan sa inyong pagpapadala. At higit sa lahat mawala o mabawasan ang pagtitiwala sa inyo ng inyong mga pinaglilingkuran.

 

Batid po namin ang inyong pagpapakasakit. Alam po namin ang inyong paghihirap. At dahil po dito sa 81M US$ ay nakadagdag pa ito sa inyong pinapasan sa inyong mga balikat. Kami po, ang inyong Obispo, ay kaisa ninyo sa inyong pagdurusa at katuwang ninyo sa inyong pinagdaraanan. At kami na rin po ay nagsusumamo ng pasensiya at paunawa tungkol sa 81M$.

 

Ang naganap po dito sa 81M US$ ay sadyang nakakahiya. Isang hayagang pagnanakaw. Isang malaking kasalanan. Nararapat lamang na sila ay magsisi, magsabi na ng katotohanan at mailapat sa kanila ang sadyang katarungan. Ang pera ay nararapat lamang na maibalik sa tunay at totoong may-ari, ang mga mamayan ng bansang Bangladesh. At ang mga gumawa nito ay narapat maparusahan.

 

Ang kanilang ginawa ay taliwas at salungat sa inyo, mga minamahal naming mga OFW, na ipinamamalas sa buong mundo, na ang mga Pilipino ay matapat, mapagkakatiwalaan, at may takot sa Diyos. At sa pamamagitan ng liham-pagninilay na ito nais naming ipapaalala sa iba ang mga bilin ninyo o habilin sa inyo sa inyong paghahanap buhay sa ibang bansa. Ano po ang mga ito?

 

Pagbutihin ang pagtratrabaho

Ingatan ang inyong pangalan

Huwag masilaw sa kislap ng salapi

 

Ito ang madalas na sabihin o ating naririnig, “pagbutihin ang pagtratrabaho.” Ang trabaho ay ginagawang mabuti at tama, o pagbubutihin pa at palaging itatama. Hindi natin nais may mapahamak, masaktan at may pagsisihan sa bandang huli. Hindi natin hangarin na may mawalan at may masisirang kinabukasan. Dahil dito kayo ay nagtratrabaho ng tapat, ayon sa batas at nasa atas ng moralidad. Walang batas na lalabagin. Walang immoral na gagawin. At walang magaganap na pagkakasala.

 

Nais ng maraming bansa ang manggagawang Pilipino sapagkat kapag kayo ay nagtrabaho ito ay malinis at maayos. Hindi ninyo ito pinababayaan. Hindi ninyo ito iiwan. Kayo ay mapagkakatiwalaan. Walang kulang. Walang kinukuha. At ito ay ang magandang halimbawa na ipinahahayag ninyo doon sa ibang bansa at nararapat tularan dito sa atin.

 

Kung tapat sa trabaho, kung tinototoo ang trabaho, at kung pinagbubuti ang trabaho walang kalokohang gagawin, walang pangungupit, walang katiwalian magaganap.

 

Ito rin ang ating bilin o parangal sa atin, “ingatan ang inyong pangalan.” Ang pangalan ay iniingatan. Hindi natin nais na ito ay madumihan. Ang pangalan ay iginagalang. Hindi natin hangad na ito masira. Ang pangalan ay pagkilalala, kung sino at ano ka. Mangyari nais natin na tayo ay makilala na may paghanga, may paggalang at mapasasalamatan. Sa pagsambit o pagbasa sa atin pangalan ito ay maghahatid ng kagalakan at hindi pagkagalit; maipagmamalaki at hindi ikinahihiya; pagtanggap at hindi pagkatakot.

 

Sa Europa, kapag nabanggit Pilipino ang unang sumasagi sa isipan doon ay sila ang mga pumupuno sa mga Simbahan. Masasaya ang mga Pilipino. Palaging nagkakainan. At mayroon tiyak na kodakan, na forever. Kapag nais nila ng manggagawa, una sa lahat ang gusto nila ay Pilipino. Sapagkat nakita nila at nakilala nila ang mga Pilipinong manggagawa doon sa ibang bansa ay magagalang, masinop at maingat sa mga gamit. Hindi naninira, bagkus maayos. Hindi nagpapabaya, bagkus may malasakit. At ito ang huwaran katangian ng ating mga OFW na nagaganap sa ibang bansa at isang magandang pagpapakilala na ito ang nararapat natin gawin din dito sa atin.

 

Kung isinasang-alang alang ang kahihitnan ng kanilang sariling pangalan, kung inaalala ang mangyayari sa mga pangalan ng mag-anak o ng bayan, at kung pinaninindigan ang pangalan ng pinagtratrabahuhan o ng paaralan, hindi tayo gagawa ng mga bagay na magdudulot na ikasisira at ikakahiya ng pangalan. At tiyak na hindi tayo gagawa at makikipagsabwatan na maging daan ng kapahamakan ng ating pangalan at ng pagkakasala ng lahat.

At panghuli ito rin ang paalala sa atin o ipinapaalala natin sa iba “huwag masilaw sa kislap ng salapi.” Ang pera ay pinagpapaguran. Ang pera ay hindi pinupulot. At sa inyong kalagayan ito ay inyong pinagpapawisan. Kaya naman ang pera na inyong ipinapadala ay talagang naman mula sa inyong pagpapakasakit, tanda ng inyong pagmamahal at bunga ng inyong luha, dugo at pawis. Dahil dito ang pera ay nararapat lamang na sinupin at tipirin. Hindi dapat lustayin, sayangin at gamitin sa mga walang halagang bagay, higit sa lahat sa pagsusugal.

 

Amin pinahahalagahan ang inyong pagiging tapat sa pera na kung saan tinutupad ninyo ng sakto, sapat o labis pa ang pinagkasunduang oras ng pagtratrabaho. Amin pinasasalamatan ang inyong katatagan sa paninindigan at sa pananampalataya na hindi ipagpapalit ang mga ito sa anuman halaga. Amin pinararangalan ang inyong pagbubukas palad na ibigay, walang itinatago at maluwag sa kalooban, ang inyong kinikitang pera para sa inyong mga mahal sa buhay, at sa bandang huli ay tumulong pa sa inyong kasama diyan sa ibang bansa na nangangailangan din.

 

Para sa inyo ay pera ay pantulong upang tustusan ang pangangailangan sa bahay at sa pag-aaral. Para sa inyo ang pera ay upang mapabuti at mapaganda ang kinabukasan ng inyong mahal sa buhay. At higit sa lahat ayon sa inyong ginagawa, ang pera ay hindi para sa inyong sariling kapakanan, magkamal o magpayaman bagkus handa inyo itong ibahagi at ialay para sa iba na nangangailangan.

Kung ganito rin ang kanilang pananaw na tulad ninyo sa pera tiyak wala ang magiging makasarili, walang magiging sakim. Kung higit na bibigyan pansin at gagawin na tulad ninyo ang habilin “huwag masilaw sa kislap ng salapi” tiyak walang mandaraya, walang mang-uumit, walang magnanakaw.

 

Nais ko pong tapusin nag liham pagninilay na ito sa pamamgitan ng isang kuwento. A farmer’s daughter was always invited by her classmates to watch a movie, and afterwards, to eat in a popular restaurant and shop at a nearby department store. She politely refused, thinking of the sacrifices of her parents just to pay for her tuition fees. To stop their naggings, she pulled out a photo in her wallet. It was a black and white, almost fading picture of her parents, holding sickles in their hands, working in the field, their eyes squinting from the intense noon day sun. Nearby could be seen her brother and sister bundling up the dried hays of palay.

 

She sad to her classmates, “before I spend on something I first take a glimpse at this picture of my parents. I remember their sacrifices and hardships just to send me to this University. I renew my promise to myself that I will not waste a single centavo of their hard earned money just to indulge to my personal cravings and interests. As they work hard I will save and study even harder. I will not disappoint them, nor bring shame to their names.”

 

Mga minamahal naming mga kapatid na OFW, kami po ay nagpapasalamat sa inyong mga pagpapakasakit at sa mga kagandahang-loob na inyong ginagawa sa loob at sa labas ng ating bansa. Kami po ay nagdarasal at nag-aalay ng Santa Misa para sa inyo para sa inyong kaligtasan at kalusugan, sa inyong mga naiwan at piangtrattrabahuhan. At amin din isasabuhay ang mga habilin sa inyo, na para na rin sa amin dito:

 

Pagbutihin sa pagtratrabaho

Ingatan ang pangalan

at huwag masilaw sa kislap ng salapi

 

Tanggapin po ninyo ang aming paumanhin at bendisyon sa ngalan ng +Ama, at ng +Anak, at ng +Spirito Santo. Amen.

 

 

+Ruperto Cruz Santos, DD

Bishopof Balanga and

CBCP Chair Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People.

m2
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)
@ v2013 Diocese of Balanga

BpStude

@ v2013 Diocese of Balanga