@ 2007 Diocese of

Bishop Soc's Messages

Home

PAA NG ALAGAD

Misa ng Krisma

Marso 20, 2008

Katedral ng San Jose, Balanga City

 

Mga kapatid kong pari:

Mamayang takip silim ay gugunitain na naman natin ang Huling Hapunan ng Panginoon. Gugunitain natin ang pagdiriwang ng unang Eukaristiya at ang dakilang tagubiling “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin”. Mula sa ating pag-aaral, alam nating sa Mabuting Balita ni San Juan wala tayong mababasang pagsasalaysay ng Eukaristiya bagkus ay ang makasaysayang paghuhugas ng mga paa. Ang paghuhugas ng mga paa ay sinundan din ng utos ng Panginoon “ Gawin ninyo ito gaya ng ginawa ko sa inyo”. Ang paghuhugas ng paa at ang Eukaristiya ay iisa. Tunay na tunay nga na maaaring sabihin na ang mga alagad ni Jesus ay yaong mga lalaking hinugasan ang paa. Tayo iyon, mga kapatid na pari. Hindi lamang tayo mga lalaking pinatungan ng kamay. Tayo rin ay yaong mga piniling lalaking hinugasan ang paa.

Marumi at hamak

Paa ng alagad. Paang maalikabok dahil sa kalalakad. Paa ng alagad. Paang kulubot dahil sa pagkakababad sa tubig. Paa ng mangingisda. Paa ng alagad. Paang makapal at magaspang dahil sa mga salubsob at pakong natapakan. Paa ng karpintero. Paa ng alagad. Paang malapad at marumi dahil sa malayong nilakbay. Paa ng maniningil ng buwis. Paa ng alagad. Paang marumi. Paang maalikabok. Paang naghubad ng sandalyas sapagkat ang tinatapakan ay banal ng kabanal-banalan. Marumi at maalikabok subalit paang hinirang at hinugasan.

Ang paa sa Banal na Kasulatan ay sagisag ng buong pagkatao. Ang maruming paa ay sagisag ng maruming pagkatao. Hindi lamang paa ang marumi. Marumi ang ating pinagmulan. Hamak ang ating kahapon. Alabok ang ating kasaysayan. Alabok ang ating kasuotan. Hiwaga ng lahat ng hiwaga, tayong alabok ay pinili at hinirang na maging pari.

Hamak ngunit hinirang

Nang ipatong ng Obispo ang kanyang mga kamay sa atin upang tayo ay ordenang pari, hinugasan din ng Inang Simbahan ang ating mga paa upang tayo naman ay maghugas ng mga paa ng ating kapwa. “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin”. Ang paghuhugas ng paa sa kaugaliang Hudyo ay tanda ng pagtanggap sa panauhing dumadalaw. Ito ay pangkaraniwang ipinagagawa sa pinakamababang alipin ng bahay. Mataas na karangalan ang handog kapag pinahiran pa ng langis ang paa matapos hugasan. Iyon ang ginawa ng makasalanang babae sa Panginoon. Tulad ng makasalanang babae, nag-anyong alipin ang Panginoon sa atin. Hinugasan niya ang ating paa at pinahiran pa ng langis. Sa Panginoon ay awit natin “You lift me high upon a pedestal, so high that I could almost see eternity”.

 

Maganda ang paa ng pari hindi dahil sa sapatos na suot gaano man kamahal ang sapin sa paa. Maganda ang paa ng pari hindi dahil sa malinis na kuko at malambot na sakong. Maganda ang paa ng pari sapagkat hinugasan ng Panginoong Jesus. Hindi man karapatdapat, ipinatong ni Jesus ang ating mga paa sa pedestal. Itinanghal. Dinakila. Pinagpala. Minahal. Si Jesus ang nagpapaganda sa lahat. Kapangyarihang hindi ipinagkatiwala sa mga anghel ay ipinagkaloob sa pari.

Hinirang ngunit nagtaksil

Nasaan na ang mga paang hinirang at hinugasan? Matapos ipag-utos na “Gawin ninyo ito gaya ng ginawa ko sa inyo” kaagad ay may dalawang paang nagmamadaling umalis patungo sa dilim upang ipagkanulo ang Guro. Hindi pa man halos natutuyo ang tubig na ipinanghugas ay umalis na at nagtaksil ang alagad. May paang nagtaksil. May paang nagtago. May paang tumakas dahil sa takot. May paang sumunod subalit malayo at atubili. May paang napaiwan at nanigas na umayaw kumilos. Sari saring paa. Sari saring kuwento ng pagiging alagad.

 

Mga kapatid na pari, hindi nga ba na ang kuwento ng mga paa ng mga alagad ay kuwento rin ng ating mga paa? Walang sukat ipinagkaiba kahit dalawang libong taon na ang ating pagitan. Paang matapos hirangin at hugasan ay nagtaksil, tumakas, nagpadala sa takot at nagtago, nagpaiwan.

 

Ang paa ng pari ay pang misyon hindi pang pasyal. Ang paa ng pari ay para sa paninindigan hindi para sa pang takas. Ang paa ng pari ay nakatadhanang mapako sa krus hindi upang manyapak o manipa ng iba. Ang paa ng pari ay tagapagdala ng Mabuting Balita upang saan man siya pumunta, ang bakas ni Kristo lamang ang maiiwanan.

 

Saan tayo dinadala ng ating mga paa? Hindi ba ang paang hinugasan at pinabanal ay dapat na para sa mga banal na bagay lamang? Hindi ba ang paa ng Panginoon ang dapat nating sundan sa bawat sandali ng ating buhay? Bakas ba ng yapak ni Kristo ang ating naiiwanan o bakas na lamang ng ating kasaysayan ng kasalanan? Mga kapatid na pari, alalahanin ninyong lagi na anuman ang gawin, may palaging nakatingin. May naghahanap ng ating yapak upang sundan ang ating landas. Saan natin inihahatid ang bayang ipinagkatiwala sa atin? Kapag ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila masusubasob sa putikan.

 

Maganda ang paa ng pari. Pinaganda ng grasya ng Diyos. Dalhin nawa tayo ng ating mga paa sa paanan ng Panginoong Jesus at doon sa kanyang paanan ay masdan ang kanyang maluwalhating mukha magpa kailan man.

 

Amen.

item3
The Roman Catholic
Diocese of Balanga
(Bataan, Philippines)